Manila Water pinagmulta ng P1.15 bilyon ng MWSS

Pinarusahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang pribadong water concessionaire na Manila Water kaugnay ng malaking kakulangan sa suplay ng tubig sa Metro Manila at lalawigan ng Rizal noong nakaraang buwan.

Pinatawan ng ahensiya ang pag-aari ng Ayala group of companies ng tinatantiyang P1.15 bilyon makaraang makumpirma ng MWSS na nilabag ng Manila Water ang obligasyon nito sa ilalim ng concession agreement na makapaghatag ng walang tigil na serbisyo sa mga kostumer nito sa east concession zone.

Hiwalay pa ang multang ito sa halos P500 milyong ibabalik sa mga konsyumer dahil sa one-time bill waiver scheme na ipinatupad ng Manila Water noong Marso.

Ayon kay Manila Water CEO Ferdinand dela Cruz, nakahanda naman silang tanggapin ang desisyon ng MWSS na patawan sila ng multa.

Saklaw ng boluntaryong one-time bill waiver scheme ang unang 10 cubic meters na nakokonsumo ng bawat konsyumer kada buwan.

“This minimum charge ranges for our lifeline customers of P76 but it also goes to all kinds of customers — lifeline, domestic, semi-domestic, commercial, industrial so it ranges from P76 to P656 for industrial customers, which represents the 10 cubic meters,” ani Dela Cruz noong Marso.

Refund sa consumers, iginiit ni Sen. Grace Poe

Inirekomenda ni Senadora Grace Poe na magkaroon ng refund para mga konsumer at kompensasyon sa local government units na nakararanas ng water crisis sa Metro Manila.

“Hindi puwedeng walang kompensasyon dahil kinunsumi at inabala ang mga tao. Pansamantala, dapat tulungan ang mga barangay na wala pa ring tubig sa pamamagitan ng mas madalas na pagdadala ng water tanks,” ayon kay Poe na tagapangulo ng Senate Commitee on Public Services.

“Walang pinipili ang krisis na ito. Lahat tayo natamaan, hindi lamang sa iisang sektor. This water shortage should be solved at all costs,” diin ni Poe matapos ang public hearing kaugnay sa water shortage.

“In the meantime, ang puwedeng gawin ng Manila Water ay tulungan ang mga barangay na hanggang ngayon ay wala pa ring tubig at dalas-dalasan nila ang pagdala ng water tanks,” ani Poe.

Nauna rito, sinisi ni Poe ang Metropolitan Waterworks and Sewe­r­age System (MWSS) sa nararanasang krisis sa tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila at karatig na probinsiya ng Rizal dahil sobrang dami ng mga abogadong nagpapatakbo sa ahensiya kaysa mga inhinyero na mas may kaalaman sa mga problemang teknikal.

“Sobra sila sa abogado wala silang inhinyero,” pahayag ni Poe na iginiit na dapat isailalim sa reorganization ang MWSS para mapalitan ang mga miyembro ng ahensiya.

“Malaki ang naging pagkukulang ng Manila Water pero sa tingin ko mas malaki ang pagkukulang ng MWSS,” sabi ni Poe.

Idiniin ni Poe na mas kailangan ng MWSS ang mga inhinyero sapagkat hindi natukoy agad ng MWSS ang problema sa water shortage dahil hindi naman naiintindihan ng mga abogado ang mga problemang teknikal.

“Hindi tulad ng mga inhinyero na may teknikal na kaalaman sa water system, ang mga abogado, ay puro legal framework lamang ang nalalaman,” ani Poe. “Ako sa tingin ko dapat palitan na sila e. The most important thing is the composition has to be according to how that law was actually intended.”

Ayon kay Poe, wala sanang water crisis kung napalitan ang mga may tagas na tubo na milyun-milyong cubic meters ng tubig ang nasasayang kada araw.

“Dapat talaga mayroong engineer doon, a technical expert who understands the situation, because if they’re all lawyers, wala silang gagawin kundi puro mga legal na mga bagay lang pero hindi ‘yung mga technical na makakaapekto sa daloy ng tubig,” dagdag ni Poe.